KALIBO, Aklan—Itinuturing ng Kabataan Patylist na “vehicles of corruption” ang mga infrastructure projects ng pamahalaan gaya na lamang sa flood control projects na natuklasang bilyon-bilyong piso ang pondo ngunit palpak ang nasabing proyekto.
Dahil dito, inihayag ni Kabataan Partylist representative Atty. Renee Co na gagawin nilang platform upang makapagsiyasat ng husto ang mga ibinulgar ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mga pribadong contractors na humawak ng kaliwa’t kanang flood control projects na nadiskubrehang hindi naayos ng husto na naging dahilan ng malawakang pagbaha sa iba’t ibang rehiyon partikular noong nanalasa ang Habagat na pinalakas ng mga nagdaang bagyong Crising, Dante at Emong.
Ayon pa sa opisyal, matagal na nilang alam na malawakan ang corruption sa mga naglalakihang proyekto ng pamahalaan ngunit protektado ito mga malalaking opisyal kung kaya’t hindi lubusang nangamoy ang kanilang bulok na trabaho.
Umaasa ang mga ito na sa pamamagitan ng pagbulgar ng presidente at diretsahang pagsabi na may talagang nangyayari na korapsyon sa mga proyekto ay tuluyan nang makilala ang mga opisyales sa gobyerno na nasa likod ng maanomalyang proyekto na ang nagsasakripisyo at apektado ay mga karaniwang tao.