-- ADVERTISEMENT --

Itinatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Education and Workforce Development Group (EWDG) sa bisa ng Administrative Order No. 36 na nilagdaan noong Agosto 13 upang maging pangunahing coordinating body ng pamahalaan sa pagsasaayos ng sektor ng edukasyon at pagsasanay sa trabaho.

Layunin ng grupo na tugunan ang mga suliraning tulad ng kakulangan sa suporta sa mga guro, hindi koordinadong mga programa, at hindi angkop na mga polisiya. Pangungunahan ito ng Pangulo, katuwang ang mga kalihim ng Edukasyon at Paggawa, kasama ang mga pinuno ng CHED, TESDA, Department of Migrant Workers, at Department of Economy, Planning, and Development.

Inatasan ang EWDG na bumuo ng 10-taong National Education and Workforce Development Plan, suriin ang kasalukuyang inter-agency bodies, at repasuhin ang mga umiiral na batas at polisiya ukol sa edukasyon at training. Mag-uulat ito buwan-buwan sa Pangulo at maaaring bumuo ng mga technical working group.

Ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na inisyatibo ng administrasyong Marcos na iakma ang edukasyon sa pangangailangan ng labor market at paghusayin ang kakayahan ng mga Pilipino sa global workforce.