KALIBO, Aklan — Nakiisa si Kalibo Mayor Juris Sucro sa panawagan ng ilang mga alkalde sa bansa na dapat isa-publiko ang mga pulitiko at kontratistang nasa likod ng mga depektibo at substandard na proyekto sa flood control at iba pang imprastraktura.
Ayon kay Carla Suñer Doromal, Executive Assistant to the Mayor ng lokal na pamahalaan ng Kalibo na isa si Mayor Sucro sa 43 na mga pulitiko sa bansa na lumagda sa Mayors for Good Governance na naglalayong maimbestigahan kung saan ginagamit ang pondo para sa flood control projects ng pamahalaan.
Nabatid na kabilang sa mga alkalde na nanawagan para rito ay sina Pasig City Mayor Vico Sotto, Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, Baguio City Mayor Benjamin Magalong, at Iloilo City Mayor Raisa Treñas.
Napapanahon aniya ito dahil sa nagpapatuloy na flood control projects sa bayan ng Kalibo na may pondong nasa P96 milyon na bahagi ng flood mitigation project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ipinasiguro ng alkalde ang mahigpit na pagbabantay sa proyekto hanggang sa matapos ito sa Enero 2026.
Naniniwala umano si Mayor Sucro na dapat magkaroon ng pananagutan ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan na nagbulsa ng pondo ng flood control projects dahil pera umano ito ng bayan at ito ay nararapat para sa taumbayan.
Dagdag pa nito na kailangang maimbestigahan ang mga ginawang hakbang ng DPWH at iba pang ahensya ng gobyerno sa tila palpak na flood control project kasunod ng mga nararanasan ngayong matinding pagbaha sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.