BATAN, Aklan — Nagsagawa ang Land Transportation Office o LTO-Aklan ng isang outreach program sa bayan ng Batan ngayong araw ng Huwebes, Agosto 21 para sa mga may-ari ng motorsiklo na hindi pa nakakatanggap ng kanilang mga plaka simula pa noong 2014 hanggang 2017.
Ayon kay Engr. Marlon Velez, hepe ng LTO-Aklan ang mga dapat dalhin ng mga may-ari ng motorsiklo na kukuha ng plaka ay ang photocopy ng Official Receipt o Certificate of Registration, valid ID ng rehistradong may-ari at Deed of Sale, kung hindi pa nakapangalan sa kasalukuyang may-ari ang motorsiklo.
Nilinaw pa nito na tinatanggap nila kahit expired ang Certificate of Registration dahil inire-require umano na magkaroon plaka bago magpa-smoke test.
Sa kabilang daku, bukas ang tanggapan ng LTO ngayong araw kahit holiday para sa distribusyon ng mga plaka na nagsimula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Paalala nito na tanging pamamahagi lamang ng mga plaka para sa mga motorsiklo ang isasagawa ngayong araw gayundin sa kanilang outreach program.
Samantala, sinabi pa ni Engr Velez na kapag kakaunti na lamang ang mga kliyente sa kanilang opisina ay lumalabas sila para sa pagsasagawa ng Stop, plate, and go sa mga pangunahing kalsada upang lalo pang mapabilis ang distribusyon ng mga plaka ng motorsiklo ag ma-address ang backlog na sa ngayon ay kakaunti na lamang sa probinsiya.
Layunin umano ng kampanya ng LTO na matiyak na lahat ng sasakyan sa kalsada ay rehistrado at may opisyal na plakang ibinigay ng LTO, upang mapalaganap ang kaligtasan sa kalsada at mapadali ang pagkakakilanlan.