-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Arestado ang isang chainsaw operator  matapos mahulihan ng mga baril at mga bala sa kanyang bahay sa ikinasang search warrant operation ng mga awtoridad, umaga ng Huwebes, Agosto 21 sa Purok 1, Brgy. Mobo, Kalibo.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition si Larry Berdandino, 42-anyos, residente ng  Brgy. Cabayugan, Malinao at kasalukuyang naninirahan sa naturang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay P/Executive Master Sergeant Joey Revecensio ng CIDG-Aklan, inihain ang search warrant laban kay Berdandino na inisyu ni Judge Montalid Patnubay, Jr., ng Regional Trial Court o RTC Aklan matapos magpositibo ang kanilang ginawang imbestigasyon at ilang linggong surveillance operation hinggil sa  reklamo laban sa suspek sa diumano’y pagpapaputok ng baril noong kasagsagan ng selebrasyon ng fiesta at insidente ng panunutok sa isang menor de edad.

P/Executive Master Sergeant Joey Revecensio ng CIDG-Aklan

Sa naganap na search warrant operation, hindi naipakita ng suspek ang permit to carry firearms sa nakumpiskang dalawang .45-caliber pistols kasama ang 20 pirasong bala ng naturang baril at tatlong magazine.

Bigo namang mahanap ng mga awtoridad ang isang 12-gauge homemade shotgun na siyang nakalagay sa search warrant.

Ikinasa ang operasyon sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng  CIDG AKLAN, Special Action Force, RIU at Aklan MARITIME.

Samantala, kinumpirma ni Barangay Kagawad Ma. Theresa Nerviol na may isinampang reklamo laban sa suspek sa kanilang barangay dahil sa umano’y panunutok ng baril sa isang menor de edad na nagnakaw umano ng kanyang kalapati.

Ang reklamo ay idinulog umano nila sa Kalibo Municipal Police Station.

Barangay Kagawad Ma. Theresa Nerviol

Mahigpit namang itinanggi ni Bernardino ang mga alegasyon laban sa kanya at planted lamang aniya ang mga narekober na baril.

Aminado siyang tanging boga ang armas na kanyang hinahawakan.

Ang suspek na si Larry Berdandino