Nanawagan si Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. sa Kongreso na agad na amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL) bunsod ng masamang epekto nito sa mga lokal na magsasaka at sa industriya ng bigas.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, sinabi ni Tiu-Laurel na tinanggal ng RTL ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na kontrolin ang suplay at presyo ng bigas, dahilan ng pagbagsak ng presyo ng palay na umabot sa PHP8 kada kilo.
Mariin ding pinabulaanan ng kalihim na ang PHP20 rice program ng pamahalaan ang naging sanhi ng pagbaba ng presyo, at iginiit na nagsimulang bumalik sa normal ang presyo ng palay matapos ipahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pansamantalang suspensyon ng rice importation na magsisimula sa Setyembre 1.
Nanawagan din siya ng mas matatag na regulasyon at pagpapalakas sa NFA upang maprotektahan ang mga magsasaka at matiyak ang seguridad sa pagkain.