Naninindigan ang Philippine Navy laban sa patuloy na agresibong presensya ng mga barko ng China sa Ayungin Shoal, bahagi ng West Philippine Sea. Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, mananatili ang puwersa ng Pilipinas sa kabila ng banta.
Noong Agosto 20, namataan sa lugar ang limang China Coast Guard vessels, 11 inflatable at fast boats, at siyam na maritime militia ships. Ilan dito ay armado at nagsagawa ng water cannon drills. Napuna rin ang presensya ng isang helicopter at drone.
Giit ng Navy, iligal ang mga aktibidad ng China sa Ayungin Shoal na nasa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas. Nananatiling nakatalaga sa lugar ang BRP Sierra Madre, isang lumang barkong pandigma na nagsisilbing simbolo ng soberanya ng bansa.
Tiniyak din ng PN ang pagpapatuloy ng susunod na rotation and resupply (RORE) mission para sa BRP Sierra Madre ayon sa umiiral na mga patakaran, matapos ang huling misyon noong Mayo 16.