NEW WASHINGTON, Aklan — Patuloy ang apela ng mga residente sa Brgy. Tambak, New Washington sa pamahalaan na pabilisin ang reconstruction ng mga nasirang seawall sa kanilang lugar upang maprotektahan sila mula sa pananalasa ng storm surge o mga malalakas na alon at pagbaha.
Ayon kay dating Punong Barangay Lucille Macario ng naturang lugar na halos araw-araw lalo na kapag panahon ng Habagat kung saan masyadong malakas ang alon ay labis ang kanilang pangamba dahil pumapasok ang tubig-dagat sa kani-kanilang bahay.
Idinulog na umano niya ang naturang problema sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga opisyal ng probinsiya para sa pag-ayos ng nasirang seawall.
Taon 2016 ay itinayo umano ang proyekto at natapos noong 2020.
Subalit makalipas ang dalawang taon noong 2022 ay unti-unting bumabagsak ang seawall.
Nasa 100 meters na haba ng seawall ang nasira noong una, pero dahil hindi agad naaksyunan ay lumapad pa ito ng hanggang 200 meters.
May pagkakataon pa umano na isang residente na may kalong-kalong na anak ang nahulog kasama sa bumagsak na bahagi ng seawall na sa mabuting palad ay hindi napuruhan.
Nangangamba aniya sila sa kalagayan ng kanilang barangay hall kasama ang covered court kung saan dito rin nakahimpil ang kanilang day-care center.
Samantala, naniniwala si Macario na hindi polido ang pagkakagawa ng seawall dahil sa sub-standard na mga materyales na ginamit.