KALIBO, Aklan — Iminungkahi ng isang medical expert na kailangang magbantay at maging alerto ang Bureau of Quarantine upang masigurong hindi makakapasok sa bansa ang sakit na plague.
Ayon kay Dr. Philip Ian Padilla, isang medical expert at Professor ng UP Visayas na kailangang mabantayan ng mabuti ang mga hayop na pumapasok sa Pilipinas.
Aniya ang sakit na plague ay nagmula sa kagat ng pulgas na kapag napabayaan at magkaroon ng komplikasyon ay posibleng ikamatay.
Nabatid na isang kaso ng plague ang naitala sa isang residente ng Lake Tahoe sa California.
Ang pasyente ay kasalukuyang nagpapagaling sa kanyang bahay at tumatanggap ng medikal na atensyon.
Pinapaniwalaang nakagat ng isang insektong pulgas ang pasyente habang nagka-camping sa lugar ng South Lake Tahoe.
Kasalukuyang iniimbestigahan ang insidente.
Ang sakit ay dulot ng bacteria na kadalasang ipinapasa sa pamamagitan ng kagat ng pulgas na nagmula sa mga hayop kagaya ng chipmunk, daga at iba pang hayop.
Maari rin umanong magdala ng pulgas sa loob ng bahay ang mga aso at pusa.
Kadalasang sintomas ng sakit ang lagnat, pagsusuka, panghihina, at pamamaga ng kulani na karaniwang lumalabas sa loob ng dalawang linggo matapos ang pagka-expose.
Dagdag pa ni Dr. Padilla na epektibong gamot dito ang antibiotic kapag maagapan ang pagka-diagnose.
Payo nito na gumamit ng insect repellent upang mabawasan ang exposure sa mga pulgas.