-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan ang Department of Transportation (DOTr) sa mga motorista na sumunod sa batas-trapiko, kasabay ng pag-anunsyo na sa nakalipas na anim na buwan, umabot sa 420 na lisensya ang binawi at mahigit 2,000 show-cause orders ang inilabas sa mga pasaway na drayber na kalauna’y nasuspinde.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, ito ang may pinakamataas na bilang ng mga binawi at sinuspindeng lisensya na naitala ng DOTr at Land Transportation Office (LTO) sa kasaysayan.

Dagdag pa niya, “Kapag hindi ka sumunod sa batas, madaling bawiin ng gobyerno ang iyong lisensya—pansamantala man o panghabambuhay kung grabe ang paglabag.”

Isa sa mga pinatawan ng pinakamabigat na parusa ay isang abogadang drayber na inakusahang tinangkang sagasaan ang isang traffic enforcer sa Cavite noong Agosto 18 matapos umanong masangkot sa hit-and-run.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa DOTr, napilitang sumampa sa harapan ng sasakyan si enforcer Michael Trajico at kumapit ng 10 hanggang 15 minuto habang nagpapatuloy sa pagmamaneho ang babae.

Hinikayat ni Dizon si Trajico na magsampa ng kaso at tiniyak ang suporta ng DOTr at gobyerno.

Samantala,  ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, umabot sa 1,100 ang ipinalabas na show-cause orders noong nakaraang taon. Ngayong 2025, higit 2,000 na ang naibigay sa loob pa lang ng kalahating taon.

“Baka umabot tayo sa 5,000 ngayong taon sa bilis ng mga kaso,” ani Mendoza.

Binanggit din ni Dizon ang problema sa mga “fixer” na nagpapalusot ng mga hindi karapat-dapat na makakuha ng lisensya kapalit ng bayad.

“Dapat hindi gano’n kadali kumuha ng lisensya. Pero dahil may sistema ng fixer, may P5,000 ka lang, pasado ka na—walang exam, walang practical test,” paliwanag niya.

Ipinakilala ni Dizon ang bagong Online Driver’s License Renewal System na inilunsad noong Hulyo upang labanan ang mga fixer. Sa pamamagitan ng eGovPH app, maaaring mag-renew ng lisensya online nang hindi kailangang pumunta sa LTO.

“Ang problema natin, hindi kakulangan ng batas kundi kakulangan sa pagpapatupad. Kaya matitigas ang ulo ng mga motorista, dahil dati, walang epekto, may lagay, may koneksyon. Pero ngayon, hindi na gano’n,” giit ni Dizon.

Iniimbestigahan din ng DOTr kung dapat pataasin ang parusa sa mga lumalabag sa trapiko. Bukod sa multa at kaso, pinag-aaralan din nilang ilathala linggo-linggo ang listahan ng mga pasaway na drayber.

“Plano nating maglabas ng ‘Wag Niyong Tularan’ list—pangalanan ang mga lumabag. Kung hindi sila natatakot sa kaso o multa, baka matauhan sila sa kahihiyan. Seryoso ako rito,” ani Dizon.