-- ADVERTISEMENT --

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglalabas ng humigit-kumulang 1.2 milyong bag o tinatayang 100,000 metriko toneladang lokal na bigas upang tulungang patatagin ang suplay ng pagkain sa bansa, ayon sa Malacañang.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, isasagawa ng Department of Agriculture ngayong linggo ang auction ng naturang bigas, na may inaasahang floor price na P25 hanggang P28 kada kilo, depende sa tagal ng pagkakaimbak. Layunin din ng auction na magbigay ng espasyo sa mga imbakan para sa paparating na anihan.

Pinalawak din ang programang “Benteng Bigas, Mayroon na,” sa pamamagitan ng karagdagang volume ng bigas, habang patuloy ang mahigpit na pagmamanman ng gobyerno sa presyo upang maprotektahan ang mga konsyumer at magsasaka laban sa mga mapagsamantalang negosyante.

Nagsasagawa rin ang DA ng konsultasyon sa mga magsasaka, millers, at rice traders upang pigilan ang manipulasyon sa presyo at mapanatili ang katatagan ng merkado, kasunod ng nakaambang 60-araw na suspensyon ng rice importation na magsisimula sa Setyembre 1.