-- ADVERTISEMENT --

Nag-leave of absence si Police General Nicolas Torre III matapos siyang tanggalin bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), kasunod ng pagbawi ng National Police Commission (Napolcom) sa kanyang inilabas na reassignment order para sa dalawang mataas na opisyal ng pulisya.

Pinalitan ni Torre si Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. bilang Deputy Chief for Administration at inilipat ito sa Western Mindanao Area Police Command, habang si Lt. Gen. Bernard Banac naman ang ipinalit niya sa naturang posisyon.

Ayon kay Napolcom Vice Chairperson Rafael Vicente Calinisan, walang bisa ang reassignment ni Torre dahil kailangan ng approval ng komisyon para sa mga third-level na posisyon, batay sa Konstitusyon, Republic Act 6975, at umiiral na patakaran. Nilinaw ni Calinisan na matagal nang ipinatutupad ang alituntuning ito at muling pinagtibay sa ilalim ng Resolution No. 2025-0531.

Sa panig ni Torre, sinabi niyang ginamit niya ang kanyang leave para sa pansamantalang pahinga, at nananatili siyang tapat na sumusuporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.