Nagsagawa ng pinagsamang maritime exercise ang mga barkong pandigma mula sa Pilipinas, Australia, at Canada sa silangang bahagi ng Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea noong Miyerkules.
Lumahok sa ehersisyo ang BRP Jose Rizal ng Philippine Navy, HMAS Brisbane ng Australia, at HMCS Ville de Québec ng Canada. Naglayag ang mga ito mula El Nido, Palawan patungong hilaga bilang bahagi ng Exercise ALON 2025.
Tampok sa aktibidad ang air defense drill na layong palakasin ang depensa laban sa mga banta mula sa himpapawid, at photo exercise na nagpamalas ng koordinadong paggalaw ng mga barko mula sa iba’t ibang bansa.
Ang naturang ehersisyo ay bahagi ng mas malawak na Amphibious Land Operation (ALON) 2025, kung saan mahigit 3,600 na tropa mula sa Pilipinas, Australia, Canada, at Estados Unidos ang kalahok. Isinasagawa ito mula Agosto 15 hanggang 29 sa mga lugar na sakop ng Northern at Western Command ng Armed Forces of the Philippines.