KALIBO, Aklan — Ilang mga pinapaniwalaang buto ng tao ang nahukay ng mga construction workers sa itinatayong apartment sa Brgy. Bakhaw Sur, Kalibo, hapon ng Miyerkules, Agosto 27.
Nakuha ang mga sinasabing “human bones” habang naghuhukay para sa ginagawang septic tank ng building.
Malalim na ang hukay o nasa 2 meters na nang mapansin umano ang mga buto.
Minabuting inihinto na lamang ang paghuhukay at hindi na kinuha ang iba pang buto na halos madurog na sa paglipas ng panahon na nakabaon sa ilalim ng lupa.
Ayon sa ulat, itinawag ni Punong Barangay Bernabe “Boy” Aquino ng nasabing lugar, umaga ng Huwebes, Agosto 28 sa Kalibo Municipal Police Station ang pangyayari.
Nabatid din sa ilang mga nakatatanda sa naturang barangay, ang construction site ay dating ilog na tinatawiran papunta sa Crossing Buswang na ginawang garrison sa panahon ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas.
Sa ngayon ay kinolekta ang mga nakuhang buto ng SOCO at nakatakdang isailalim sa pagsusuri kung ito ba ay buto ng tao o hayop.