KALIBO, Aklan — Sa layuning mapabilis ang pamamahagi ng mga plaka ng motorsiklo, nagpapatuloy ang Land Transportation Office o LTO-Aklan sa kanilang inilunsad na Motorcycle Plate Distribution Caravan sa ilang mga barangay sa probinsiya.
Ayon kay LTO-Aklan chief Engr. Marlon Velez na nakikipag-ugnayan sila sa mga barangay officials para sa pagkolekta ng Certificate of Registration ng mga motorista upang maging komportable at mas mabilis ang proseso sa pagkuha ng mga plaka.
Dagdag pa ni Engr. Velez na ang mga plaka na ipamimigay ay mula pa noong taong 2014 hanggang 2017.
Matatandaang isinagawa ang nationwide caravan matapos tuluyang mabura ng LTO ang 11 anyos na backlog sa motorcycle plates na umabot sa milyun-milyong plaka.
Naging matagumpay aniya ang pilot testing na isinagawa sa Brgy. Ugsod, Banga, Brgy. Morales, Balete at Brgy. Marianos, Numancia.
Sa mga susunod na araw ay magkakaroon din ng pamamahagi ng plaka sa Altavas at Balete habang bukas ay naka-schedule sila sa New Washington public plaza na magsisimula alas-2:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon.
Samantala, umabot na sa halos 15,000 na plaka ang naipamahagi ng LTO-Kalibo office habang nasa 7,000 naman sa LTO-Ibajay satellite office.
Nagsisimula ang plate distribution sa kanilang opisina bandang alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon upang matiyak na lahat ng kliyente ay mapaglilingkuran at makakauwi nang hawak na ang kanilang plaka.
Sa kabilang daku, kinumpirma ni Engr. Velez na nagdeklara muna sila ng ceasefire sa paghuli ng mga motorista upang bigyang daan ang Stop, Plate, and Go sa mga pangunahing kalsada para sa pamamahagi ng plaka.
Dagdag pa nito na kinansela rin ng LTO Central Office ang implementasyon ng “No Plate, No Travel” policy.
Aniya, itinigil muna ang itinakdang deadline para dito at hindi muna maniningil ng multa sa sinumang gagamit ng temporary o lumang plaka.