-- ADVERTISEMENT --

Isasailalim sa DNA o deoxyribonucleic acid ang ilang pinaniniwalaang buto ng tao na nakolekta ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) mula sa nahukay ng mga construction workers sa ipinapatayong dalawang palapag na apartment sa Barangay Bakhaw Sur sa bayan ng Kalibo, Aklan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PCapt. Garnet Villaruel, deputy chief of police ng Kalibo Municipal Police Station, sinabi nito na nakuha ang umano’y human bones habang naghuhukay para sa ginagawang septic tank ng building kung saan, nasa 2-4 meters na ang hukay nang mapansin ang mga buto.

Ngunit, dahil sa nabubuwal na ang lupa at pinangangambahang masira ang pundasyon ng pader malapit sa bagong gawang kalsada, minabuti ng foreman na ipatigil muna ang paghuhukay at hindi na kinuha ang iba pang buto na nagkadurog-durog na dahil sa katagalan ng panahon na nabaon sa lupa.

Ayon pa kay PCapt. Villaruel, sakaling makumpirma na talagang buto ito ng tao ay magsasagawa sila ng malawakang imbestigasyon at maghahanap kung may mga missing person sa bayan ng Kalibo o mga kalapit na bayan sa lalawigan.

Nabatid mula sa ilang mga matatanda na ang lugar ng nasabing construction site ay dating ilog na tinatawiran papuntang crossing Buswang na ginawang garrison sa panahon ng  pagsakop ng mga Hapon sa Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --