Nasawi ang Punong Ministro ng Houthi government ng Yemen at ilang iba pang ministro sa isang Israeli airstrike sa kabisera ng Sana’a noong Huwebes, ayon sa pahayag ni Mahdi al-Mashat, pinuno ng Houthi Supreme Political Council.
Ilang iba pang opisyal ang nasugatan sa insidente, ngunit walang detalye ukol sa mga ito.
Ayon sa Israel, ang airstrike ay nakatutok sa mga mataas na opisyal ng grupong Houthi, kabilang ang chief of staff at defense minister, at kasalukuyan nilang ine-evaluate ang resulta ng operasyon.
Hindi binanggit ni Mashat kung kabilang ang Houthi defense minister sa mga nasawi.
Si Ahmad Ghaleb al-Rahwi ay naging Punong Ministro ng Yemen noong nakaraang taon, ngunit ang kanyang deputy, si Mohamed Moftah, ang itinalaga upang gampanan ang mga tungkulin ng punong ministro matapos ang pag-atake.
Ayon sa Israeli military, ang kanilang mga fighter jets ay umatake sa isang compound sa Sana’a kung saan nagtipon ang mga senior Houthi figures.
Inilarawan nila ang operasyon bilang isang “komplikadong misyon” na pinadali ng masusing intelligence-gathering at air superiority.
Ang mga Houthis, na kaalyado ng Iran, ay naglunsad ng mga atake sa mga barko sa Red Sea bilang pagsuporta sa mga Palestinians sa Gaza, at nagpasabog din ng mga misayl patungong Israel, bagamat karamihan ay naintercept.
Bilang tugon, nagsagawa ng mga airstrike ang Israel sa mga Houthi-controlled na lugar sa Yemen, kabilang ang Hodeidah port.