-- ADVERTISEMENT --

Umakyat sa PHP69 bilyon ang kinita ng gobyerno mula sa lisensiyadong online gaming mula Enero hanggang Hulyo 2025, ayon sa ulat ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa House Committee on Games and Amusements.

Mula sa naturang halaga, PHP41 bilyon ang nagmula sa electronic games (E-Games) at PHP28 bilyon mula sa iba pang online gaming platforms. Nakapag-ambag naman ang sektor ng PHP27.47 bilyon sa mga programang pambansa, kabilang ang PHP14.72 bilyon para sa Universal Health Care Law, gayundin sa mga proyekto tulad ng paaralan, socio-civic at wellness centers, at E-Learning hubs.

Nagbabala ang PAGCOR sa paglaganap ng mga ilegal na online gaming site na hindi dumadaan sa regulasyon at bukas sa lahat ng edad, na nagdudulot ng panganib sa mga manlalaro at kawalan ng kita para sa pamahalaan.

Tiniyak ng ahensya ang mas mahigpit na regulasyon at pagpapatupad ng batas upang matigil ang operasyon ng mga hindi lehitimong platform.