HEALTH News — Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na agad magpasuri at samantalahin ang libreng diagnostic at treatment services para sa tuberculosis (TB), sa gitna ng higit 500,000 kaso na naitatala kada taon sa bansa.
Ayon sa DOH, ang TB ay maaaring hindi magpakita ng sintomas ngunit delikado kung mapabayaan. Bilang tugon, ipinatutupad ng ahensya ang mga programang naaayon sa World Health Organization’s End TB Strategy, kabilang ang paggamit ng GeneXpert, isang libreng pagsusuri sa pampublikong health centers na kayang matukoy ang TB at drug resistance.
Sa ilalim ng active case finding, mahigit 7,000 kaso na ang natukoy sa 17 rehiyon. Kasabay nito, ipinamamahagi rin ang Tuberculosis Preventive Treatment (TPT) para sa mga kabilang sa high-risk groups.
Hinikayat ng DOH ang publiko na huwag balewalain ang TB at agad magpatingin upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.