-- ADVERTISEMENT --

Iimbestigahan ng Commission on Elections (Comelec) si Lawrence Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development, Inc., matapos nitong aminin sa Kamara na nagbigay siya ng ₱30 milyong donasyon sa kampanya ni Senador Francis “Chiz” Escudero noong Halalan 2022.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, maglalabas sila ng show cause order kay Lubiano upang hingin ang kanyang paliwanag sa naturang donasyon. Kasunod nito, nakatakda ring sulatan si Escudero upang magsumite ng kanyang panig sa isyu.

Humingi rin ng tulong ang Comelec sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang matukoy kung may mga kontratang hawak sa gobyerno ang mga kumpanyang pinaniniwalaang nagbigay ng donasyon sa mga kandidato noong eleksyon.

Sa paunang datos ng Comelec, 43 contractor ang iniulat na nag-ambag sa kampanya ng pitong national candidates at 15 party-list at political party groups. Nadagdagan pa ito ng siyam na contractor na suportado umano ang apat na lokal na kandidato.

Ipinagbabawal sa ilalim ng Section 95 (c) ng Omnibus Election Code ang pagtanggap ng campaign contributions mula sa mga contractor na may proyekto sa gobyerno.

-- ADVERTISEMENT --