Inihain ng legal na kinatawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ang kahilingan na ipagpaliban ang lahat ng legal na proseso laban sa kanya dahil sa lumalalang kondisyon ng kanyang pag-iisip.
Sa isang 13-pahinang dokumento na may petsang Setyembre 11, ipinaliwanag ni Atty. Nicholas Kaufman na si Duterte ay nahihirapang maalala ang mga pangyayari, lugar, at maging ang mga miyembro ng kanyang pamilya at depensa, dahilan upang hindi siya karapat-dapat humarap sa paglilitis.
Apektado rin ang kakayahan ni Duterte sa pag-unawa sa mga detalye ng kaso at paggawa ng mga desisyon para sa kanyang depensa. Dahil dito, hindi na niya magagampanan nang maayos ang sariling pagtatanggol.
Dahil dito, hiniling ng depensa na ipagpaliban ng Pre-Trial Chamber ng ICC ang lahat ng pagdinig.
Nauna nang ipinagpaliban ng ICC ang pagdinig para sa confirmation of charges na dapat ay nakatakda sa madarating na Setyembre 23.