Pinalalawak ng Department of Health (DOH) ang implementasyon ng mga youth-led peer support groups bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng mental health concerns at pagpapakamatay sa bansa.
Bahagi ng hakbang na ito ang paglulunsad ng Peer Support Groups Playbook sa 50 Provincial at City-Wide Health Systems. Nagtatampok ito ng mga training module at edukasyonal na materyales upang hikayatin ang mga kabataan sa bukas na talakayan at mas malalim na pag-unawa sa usapin ng mental health.
Itinuturing ng DOH ang mga peer support group bilang ligtas na espasyo kung saan maaaring makahanap ng suporta, pakikinig, at pag-unawa ang mga kabataang nahaharap sa mental health challenges.
Kinilala rin ng World Health Organization (WHO) ang kahalagahan ng mga programang pinangungunahan ng kabataan sa pagpapabuti ng kalusugang pang-isipan.
Batay sa 2024 National Assessment of the Mental Health Literacy of Filipinos, 2 sa bawat 3 kabataang Pilipino ang bukas sa paghahanap ng tulong, indikasyon ng mas mataas na kamalayan at pagtanggap sa mental health care.
Ayon sa DOH, ang inisyatibo ay mahalagang hakbang upang mapabilis ang pagbibigay ng suporta, mapalaganap ang kultura ng malasakit, at mabawasan ang stigma kaugnay ng mental health sa hanay ng kabataan.