Hindi na maalala ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pangyayari, lugar, at maging ang sariling pamilya, ayon sa kanyang abogado na si Nicholas Kaufman sa International Criminal Court (ICC), kung saan humiling ito ng walang takdang pagpapaliban ng lahat ng paglilitis.
Ayon kay Kaufman, wala nang kakayahan ang 80-anyos na si Duterte para ipagtanggol ang sarili.
Dahil dito, ipinagpaliban ng ICC ang nakatakdang pagdinig sa Setyembre 23 matapos ideklara ng depensa na “not fit to stand trial.”
Hindi sumang-ayon sa desisyon si Judge María del Socorro Flores Liera, ngunit pabor sina Presiding Judge Iulia Motoc at Judge Reine Alapini-Gansou.
Dagdag pa niya, hindi ito makakagawa ng matalinong pasya o makakatulong sa sariling depensa. Binanggit din niyang posibleng manatili o lumala pa ang kondisyon ni Duterte.
Kasalukuyang nakakulong si Duterte sa Scheveningen Prison sa The Hague dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong giyera kontra droga.
Tinatayang higit 6,000 ang napatay sa mga operasyon ng pulisya ayon sa datos ng gobyerno, ngunit sinasabi ng mga grupong pangkarapatang pantao na maaaring umabot ito sa 30,000.
Mahigit 300 biktima na rin ang nag-apply na makilahok sa kaso, at nakapagsumite na ng 12 batch ng ebidensya ang ICC Prosecutor.