Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga commuters na walang masyadong maidulot na epekto ang isasagawang transport strike ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper sa Operator Nationwide (Piston) sa Huwebes.
Sa isang Facebook post, binigyang-diin ng LTFRB na ang government agencies ay handa upang hindi masyadong maapektuhan ang riding public sa naka planong transport strike.
“We recognize the right of transport groups to express their grievances. However, I want to assure our commuters that the LTFRB, in coordination with the Department of Transportation (DOTr), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) and concerned local government units (LGUs), has prepared contingency measures to ensure that the riding public will not be stranded,” pahayag ni LTFRB chair Teofilo Guadiz III.
Nanawagan siya sa mga commuters na manatiling kalmado kasabay ang pagtitiyak sa kanila na ang mga alternatibong ruta at karagdagang mga yunit ng transportasyon ay ipagkakaloob upang mabawasan ang anumang abala.
Ayon kay Guadiz, ipapakalat sa panahon ng protesta ang mga sasakyan tulad ng military truck, bus at modernized public utility vehicles (PUVs) para magbigay ng libreng sakay sa publiko.
Sa paghahanda sa naka planong kilos protesta, binigyang-diin ng LTFRB na ang mga nakaraang transport strikes ay may minimal na impact sa passenger movement dahil sa panindigan ng mga operators at drivers na huwag sumali sa protesta.
Ang pahayag ng LTFRB ay kasunod ng anunsyo ng Piston na magsasagawa ito ng nationwide transport strike sa Huwebes, na binanggit ang mataas na buwis sa gasolina, ang kasalukuyang PUV modernization program, at ang kamakailang natuklasang ghost flood control projects ng gobyerno.