-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — MALAY, Aklan — Kanselado pa rin  ang biyahe ng mga sasakyan pandagat sa palabas at papasok ng Caticlan jetty port sa bayan ng Malay dahil sa bagyong Opong, kung saan, nasa Storm Signal No. 1 pa rin  ang buong lalawigan ng Aklan.

Batay sa Sea Travel Advisory No. 5 it Philippine Coast Guard (PCG) Station Aklan epektibo alas-7:00, agahon it Biyernes, Setyembre  26,  2025,  nananatiling kanselado ang biyahe ng mga RoRo vessel at motorbanca.

Kabilang dito ang biyahe papuntang Batangas port, Batangas City gayundin ang biyahe sa Roxas at Bulalacao, Mindoro.

Hindi rin pinayagang bumiyahe ang mga motorbanca na mula Tabon port sa Malay na patungo sa Santa Fe at San Jose, Romblon.

-- ADVERTISEMENT --

Kanselado rin ang biyahe ng mga sakayang pandagat sa Alegria Port sa Buruanga, Aklan papuntang Roxas, Mindoro.

Gayundin ang biyahe sa Tabon port Caticlan papuntang Tambisaan port, Manocmanoc, Malay at Sambiray port papuntang Manocmanoc port na kapwa may balikan na biyahe.

Sinabi ng PCG na nakadepende sa susunod na weather bulletin na ilalabas ng weather state bureau kung papayagan na ang paglalayag lalo na ng mga apektadong maliliit na sasakyan pandagat.

Inabisuhan rin  nito ang mga sasakyang pandagat na mag-ingat at humanap ng ligtas na masilungan.  

Pinapayuhan pa ng PCG ang mga mangingisda at mga naninirahan malapit sa baybayin na iwasan muna ang pangingisda habang nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) upang maiwasan ang anumang sakuna.