-- ADVERTISEMENT --

Pinalawig ng pamahalaan ng karagdagang 30 araw ang umiiral na rice import ban upang matugunan ang patuloy na pagbaba ng presyo ng palay, ayon sa Department of Agriculture (DA). Layunin ng hakbang na suportahan ang mga lokal na magsasaka sa gitna ng anihan, at aprubado ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Mula sa naitalang presyo na ₱14–₱17 kada kilo sa ilang lugar, bumaba na muli sa ₱8 ang buying price ng palay, at umabot pa sa ₱6 sa mga lugar na naapektuhan ng malalakas na ulan.

Kabilang sa mga hakbang ng gobyerno ang pagbabawal sa mga ahensya ng pamahalaan na bumili ng imported na bigas, emergency procurement ng palay, at pagdaragdag ng kapasidad sa imbakan sa pamamagitan ng pag-upa ng mga bodega ng National Food Authority (NFA).

Pinag-aaralan din ng pamahalaan ang muling pagtataas ng taripa sa imported na bigas mula sa kasalukuyang 15% pabalik sa dating 35%, kasunod ng pansamantalang pagbabang ito sa ilalim ng Executive Order No. 62.

Bilang karagdagang suporta, nakatakdang magtakda ang DA ng floor price para sa palay upang matiyak ang patas na presyo para sa mga magsasaka sa buong bansa.

-- ADVERTISEMENT --