Umakyat na sa 260 ang kaso ng rabies sa Pilipinas mula Enero hanggang Setyembre 20 ngayong taon, ayon sa Department of Health (DOH). Sa datos ng ahensya, 95% ng mga kaso ay may kaugnayan sa mga alagang hayop na hindi nabakunahan o may hindi tiyak na vaccination status.
Dahil dito, hinikayat ng DOH ang publiko na maging responsable sa pag-aalaga ng mga alagang hayop at sundin ang taunang pagpapabakuna, alinsunod sa Anti-Rabies Act of 2007. Libre ang mga bakuna na ibinibigay ng mga lokal na pamahalaan, kung saan dapat bakunahan ang mga tuta sa edad na tatlong buwan at sundan ito ng taunang booster shot.
Bilang bahagi ng World Rabies Day 2025, muling nagpaalala ang DOH na irehistro ang mga alaga sa barangay, huwag hayaan silang gumala, at agad na magpakonsulta sa Animal Bite Treatment Center kung makagat o makalmot ng hayop.