KALIBO, Aklan— Sinang-ayunan ng Office of the Provincial Agriculturist sa lalawigan ng Aklan ang pagpapalawig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng importation ban ng bigas mula September 1 hanggang November 2, 2025.
Ngunit ayon kay Aklan Provincial Agriculturist Officer Engr. Alyxys Apolonio, dapat maramdaman din ang pagmura ng presyo nito sa mga merkado lalo na’t tinamaan ng bagyo ang lalawigan nitong mga nakaraang araw.
Ipinaliwanag ni Engr. Apolonio na nakadepende sa negosasyon ng buyer at magsasaka kung bakit may mga reklamong nakakarating na bumaba ng hanggang sa P8 ang farm gate price ng palay.
Minsan aniya ay binabarat ang presyo nito dahil sa mababang kalidad ng palay lalo na ang mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at nagsimula na rin ang harvest season.
Kaugnay nito, hinikayat niya ang mga magsasaka na makipag-ugnayan sa National Food Authority (NFA) upang doon ipagbili ang kanilang produkto sa wastong presyo.