Magsasagawa ng emergency procurement ang National Food Authority (NFA) ng palay na nasira ng bagyo upang tulungan ang mga apektadong magsasaka. Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, hindi bababa sa PHP10 kada kilo ang kanilang bilihan, taliwas sa presyong PHP6 hanggang PHP8 na iniaalok ng ilang traders.
Target ng ahensya na bumili sa presyong bahagyang mas mababa sa kasalukuyang Price Range Scheme—PHP23/kilo para sa tuyong palay at PHP17/kilo para sa basang palay. Prayoridad ng NFA ang pagbili ng tuyong palay upang mapabilis ang proseso.
Ang hakbang ay bahagi ng isang nalalapit na executive order mula sa Department of Agriculture. Nagsumite na rin ang NFA ng mungkahing PHP3 bilyong pondo para sa operasyon, kabilang ang logistics at renta ng mga karagdagang bodega.
Sa ngayon, may hawak na 446,000 metric tons ng bigas ang NFA, na sapat para sa 12 araw na suplay sa buong bansa.