-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Nasa 85 tribu ng Ati-Atihan, mga Balik Ati, at modern group ang muling magsasama-sama at magpapakitang gilas para sa pinaka-magarbong pagbubukas ng Kalibo Ati-Atihan Festival 2026 sa darating na Oktubre 8 hanggang 11, 2025.

Ayon kay Boy Ryan Zabal, chairman ng Sadsad Committee ng Kalibo Ati-Atihan Festival Board (KAFEB), mahigit sa 4,200 drummers ang inaasahang lalahok upang ipamalas ang kanilang talento sa pagsisimula ng kapana-panabik na Opening Salvo showdown.

Aniya, ang sneak peak o paunang sulyap ng 2026 Ati-Atihan Festival ay magsisimula dakong alas-3:30 ng hapon na magbibigay-buhay sa lansangan sa pamamagitan ng sabayang tunog ng tambol mula sa mga kalahok na banda na manggagaling sa mga bayan ng Malinao, Ibajay, Numancia, New Washington, Banga, Libacao, Makato, Lezo, Batan, Nabas, Kalibo at iba.

Ang ‘Sadsad’ o street dancing ay inaasahang magiging isang napakasayang kaganapan na magsisimula sa Mabini Street sa tapat ng Aklan Provincial Hospital. Ang ruta ng unang grupo ay dadaan sa Cor. Arch. Reyes Street habang ang pangalawang grupo naman ay dadaan sa XIX Martyrs Street, at kapwa magtatagpo sa Kalibo Pastrana Park.

Pangungunahan nina Kalibo Mayor Juris Sucro at Vice Mayor Philip Yerro Kimpo ang opisyal na pagbubukas ng programa sa alas-6:30 ng gabi na susundan ng isang fireworks display.

-- ADVERTISEMENT --

Todo rin ang paghahanda para sa Elias JTV band na magtatanghal ng live sa Kalibo Pastrana Park dakong alas-10:00 ng gabi, kung saan, pormal na ititigil ang street dancing sa loob ng festival zone.