Nagpulong sina DPWH Secretary Vince Dizon, dating PNP chief at bagong ICI adviser Rodolfo Azurin Jr., at dating ICI adviser na si Baguio City Mayor Benjamin Magalong upang talakayin ang mga hakbang para mapabilis ang imbestigasyon sa mga iregularidad sa flood control projects.
Sa pagpupulong na isinagawa sa Maynila, iginiit ni Dizon ang kahalagahan ng agarang aksyon upang mapanagot ang mga sangkot sa katiwalian. Ipinahayag din niya ang suporta kay Azurin bilang bagong miyembro ng ICI, at pinasalamatan si Magalong sa patuloy na pakikiisa sa kabila ng pag-alis sa komisyon.
Tiniyak naman ni Azurin ang pagtutok sa ebidensyang magpapatibay ng kaso laban sa mga maysala, katuwang ang publiko.
Samantala, nagsumite ang Bureau of Customs ng mga dokumentong kaugnay sa imbestigasyon, kabilang ang enforcement reports at importation records. Ayon kay Commissioner Ariel Nepomuceno, handa ang ahensya na makipagtulungan sa ICI bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan para sa integridad at transparency.