Pormal nang nilagdaan ng Philippine Red Cross o PRC Aklan Chapter at nang lokal na pamahalaan ng Banga ang Memorandum of Agreement o MOA para sa Blood Samaritan Program.
Ayon kay Banga Mayor Noel “Boy” Redison, layunin ng kasunduan na magtatag ng mas magandang koordinasyon sa gitna ng PRC at LGU Banga upang mas epektibong maihatid ang tulong sa mga nangangailangan ng dugo at tulong pinansyal para sa mga pasyenteng kapos o walang kakayanang pinansyal para sa bayad sa pagpo-proseso ng dugo.
Ang budget aniya ay nanggaling sa annual gender and development ukon GAD ng munisipyo.
Nilinaw din ng alkalde na ordinaryong dugo lamang ang sakop nito at hindi kasama ang mga nangangailangan ng platelet.
Dumalo sa seremonya ng paglagda ng kasunduan ang mga nangungunang kinatawan mula sa dalawang organisasyon sa pmamagitan ni Mayor Redison , Dr. Floriphez Yerro at Ms. Remia Donguines, parehong miyembro ng Board of Directors, PRC Aklan Chapter, kasama si Mary Joe Galleon – administrator ng PRC Aklan Chapter at Mr. Josh Brix Naig – Blood Donor Recruitment Officer ng LGU Banga.
Dagdag dito, hinihikayat ang buong komunidad na aktibong makibahagi sa mga Mobile Blood Donation Drive sa nasabing lugar upang masiguro ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng ligtas na dugo para sa mga nangangailangan.