-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ni Senate Blue Ribbon Committee acting chairman Senador Erwin Tulfo na magpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado ukol sa mga maanomalyang flood control projects.

Sinabi ni Tulfo na bagaman kanselado muna ang nakatakdang pagdinig, inaasahang posibleng maipagpatuloy ito sa ikatlong linggo ng Oktubre, sa gitna ng mga budget hearing ng Senado.

Gayunman, binigyang-diin ng senador na maraming isyung dapat ding matutukan bukod sa flood control projects.

Aniya, dapat ding matutukan ang isyu sa presyo ng pagkain, importasyon na nakaaapekto sa mga magsasaka at sa kakulangan ng tulong ng PhilHealth sa mga pasyente.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, kinumpirma rin ni Tulfo na nagkausap na sila ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III hinggil sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.

Ayon kay Tulfo, malinaw ang direktiba ni Sotto na tuloy-tuloy ang pagsisiyasat at kung may masagaan aniyang “big fish” ay dapat na mabunyag.

Sa huli, binigyang-diin ni Tulfo na layunin ng imbestigasyon na makabuo ng batas na magbabawal sa mga mambabatas na makialam sa implementasyon ng mga proyekto.

Aniya, ito ang nakikitang paraan upang maiwasan ang korapsyon sa mga proyekto ng pamahalaan gaya ng flood control.