-- ADVERTISEMENT --

Sa paggunita ng World Sight Day, muling hinikayat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang publiko na gamitin ang kanilang benepisyo para sa mga karaniwang kondisyon sa mata.

Kabilang sa mga serbisyong may kaukulang tulong pinansyal mula sa PhilHealth ang operasyon sa katarata (hanggang ₱187,100 para sa mga bata at ₱80,900 para sa matatanda), paggamot sa glaucoma (₱12,675), diabetic retinopathy (₱23,634), at optometry package (₱2,500 kada taon para sa mga batang edad 0-15).

Binigyang-diin ng ahensya ang kahalagahan ng wastong pangangalaga sa mata, kabilang ang pagkain ng masustansyang pagkain na mayaman sa bitamina A, C, at E; pagsunod sa 20-20-20 rule upang maiwasan ang eye strain; at pagsusuot ng sunglasses laban sa UV rays.

Pinaalalahanan din ang publiko na magpatingin nang regular sa ophthalmologist o optometrist upang mapanatiling malusog ang paningin.