-- ADVERTISEMENT --

Pinag-iisipan ng Senado na bawasan ng 15 hanggang 20 porsiyento ang pondo ng lahat ng ahensya ng gobyerno matapos lumutang ang alegasyon ng mga labis na presyong proyekto sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, inihain ni Senate finance committee chair Sherwin Gatchalian ang naturang panukala na sinuportahan din ng ibang senador. Layunin umano nitong alisin ang sobrang pondo na pinagmumulan ng “kickback” sa mga proyekto.

Giit ni Sotto, bukod sa mga “ghost” flood control projects, sangkot din ang mga substandard at overpriced na proyekto kung saan sinasadyang pataasin ang presyo ng mga materyales para magkaroon ng komisyon.

Lumawak na rin ang imbestigasyon ng Senado sa mga umano’y pekeng ospital at health centers, delayed na pasilidad ng militar, at P10-bilyong overpriced farm-to-market roads na may kaugnayan sa mga proyekto ng DPWH kasama ang DOH, DND, at DA.

Hamon ng mga senador sa mga kalihim ng nasabing kagawaran; sila mismo ang magpatupad ng mga proyekto nang hindi dumadaan sa DPWH.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak din ni Sotto na tuloy-tuloy ang deliberasyon sa P6.793-trilyong pambansang badyet para sa 2026, na naipasa na sa ikalawang pagbasa sa Kamara.

Dagdag pa niya, hindi na hihintayin ng Senado ang sertipikasyon ng Pangulo upang mapabilis ang pagpasa, at tiniyak na walang “budget insertions” para sa mga pet projects ng mga mambabatas sa bicameral meeting.