-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ng tagapagsalita ni dating US President Joe Biden na kasalukuyan siyang sumasailalim sa radiation therapy bilang bahagi ng gamutan sa kanyang prostate cancer.

Ayon sa pahayag, si Biden, 82 taong gulang, ay tumatanggap din ng hormone treatment, bagama’t walang ibinigay na karagdagang detalye.

Batay sa report, tatagal ng limang linggo ang radiation therapy, na nagmamarka ng panibagong yugto sa kanyang gamutan.

Noong Mayo, inanunsyo ng tanggapan ni Biden na natuklasan ng mga doktor na mayroon siyang mas agresibong uri ng prostate cancer na kumalat na sa kanyang mga buto, matapos siyang makaranas ng mga sintomas sa pag-ihi.

Ayon sa mga doktor, may Gleason score na 9 ang kanyang karamdaman, indikasyon ng mataas na antas ng panganib at mabilis na pagkalat ng cancer cells.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, tinukoy ng kanyang opisina na hormone-sensitive ang uri ng cancer, kaya’t maaaring mapangasiwaan sa pamamagitan ng therapy.

Si Biden, ang pinakamatandang naging pangulo ng Estados Unidos, ay umatras sa kanyang kandidatura para sa muling pagtakbo noong 2024 dahil sa mga isyu sa kalusugan.

Ang kanyang dating bise presidente na si Kamala Harris ang tumakbo bilang kandidato ng Demokratiko ngunit natalo kay Donald Trump.

Matagal nang tagapagtaguyod si Biden ng pananaliksik sa cancer.

Noong 2022, muli niyang inilunsad kasama ang asawa niyang si Jill Biden ang Cancer Moonshot initiative upang maiwasan ang mahigit apat na milyong pagkamatay dahil sa cancer pagsapit ng 2047.

Si Biden ay bihirang makita sa publiko nitong mga huling buwan, matapos aminin sa isang panayam noong Mayo na “mahirap” ang desisyong umatras sa halalan.