-- ADVERTISEMENT --

Umabot sa $1.27 bilyon ang foreign direct investments (FDI) na pumasok sa bansa noong Hulyo, ang pinakamataas na buwanang halaga sa loob ng isang taon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Gayunman, mas mababa ito ng 7.5 porsiyento kumpara sa $1.37 bilyon noong Hulyo 2024 dahil sa pagbawas ng pautang ng mga dayuhang kompanya sa kanilang lokal na sangay.

Ayon sa BSP, bumaba ng 39.4% ang investments in debt instruments sa $711 milyon mula $1.17 bilyon noong nakaraang taon.

Subalit, bahagyang nabawi ito sa pagtaas ng equity capital placements na umabot sa $418 milyon mula $76 milyon at sa 14.3% pagtaas ng reinvested earnings sa $139 milyon.

Karamihan sa equity capital infusions ay nagmula sa Japan at Estados Unidos, na inilagak sa sektor ng kalakalan, pagmamanupaktura, at real estate.

-- ADVERTISEMENT --

Mula Enero hanggang Hulyo, umabot sa $4.7 bilyon ang kabuuang FDI inflows, mas mababa ng 20% kumpara sa $5.9 bilyon sa parehong panahon noong 2024.

Ayon sa BSP, dulot ito ng mahinang global investor sentiment at kawalang-katiyakan sa pandaigdigang merkado.

Tinatayang aabot sa $7.5 bilyon ang FDI inflows ngayong taon at $8 bilyon sa 2026, ayon sa BSP.