Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang outbreak ng influenza-like illnesses (ILI) sa bansa, sa kabila ng pagtaas ng mga kaso na itinuturing na normal tuwing malamig na panahon.
Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, inaasahan ang pagtaas ng ILI tuwing “-ber” months dahil sa mga karaniwang virus tulad ng rhinovirus at influenza A at B. Hindi pa umano naaabot ang threshold para ideklara ang outbreak, kaya nanawagan ang ahensya na huwag mabahala ang publiko.
Mula Enero hanggang Setyembre 2025, umabot sa 121,716 ang naitalang ILI cases — mas mababa ng 8% kumpara sa parehong panahon noong 2024.
Kasunod ito ng suspensyon ng face-to-face classes sa lahat ng pampublikong paaralan sa Metro Manila dahil sa mga kaso ng flu-like symptoms sa mga mag-aaral at guro.
Pinaalalahanan ng DOH ang publiko na ipagpatuloy ang mga health protocol gaya ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask kung may sintomas, at pananatili sa bahay kapag may sakit. Tiniyak din ng ahensya na patuloy ang monitoring sa sitwasyon at ito’y nananatiling kontrolado.