-- ADVERTISEMENT --

MAKATO, Aklan — Tinambakan na ng buhangin ang kontrobersiyal at hindi matapos-tapos na road project sa national highway na sakop ng Brgy. Dumga, Makato, umaga ng Martes, Oktubre 14.

Ito ang kinumpirma ni Punong Barangay Leovigildo Villanueva ng naturang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, blangko umano siya kung anong kompaniya ang nagsasagawa ng operasyon dahil pawang mga driver lamang ng mga heavy equipment ang makikita sa lugar.

Dagdag pa nito na wala siyang ideya kung magtutuloy-tuloy ang trabaho.

Nangangamba umano sila na sakaling hindi masemento ang kalsada, magiging takaw-aksidente na naman ito sa mga motorista at magdudulot ng grabeng alikabok.

Nauna dito, nilagyan ng mga residente ng harang ang bahagi ng kalsada makaraang mag-overshoot ang isang kotse noong nakaraang araw.

Nagsagawa na rin umano ng inspection sa lugar si Makato Mayor Langkoy Mationg, subalit hindi sila nakapag-usap.

Nabatid na naging agaw atensyon ang kalsada sa mga motorista at mga turistang patungo sa Boracay matapos na tinaniman ng mga dismayadong residente ng puno ng saging at niyog ang hindi natapos na proyekto upang ipakita ang kanilang protesta sa kawalan ng aksyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Matagal nang sinimulan ang proyekto ngunit kalahati lamang ng kalsada ang isinimento at iniwang nakatiwangwang ang kalahati.

Sinasabing ang kontraktor ng proyekto ay kompanya ng mga Discaya na sangkot ngayong sa mga maanomaliyang flood control projects.

Binansagan rin ang lugar bilang “longest swimming pool” sa Aklan.