-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga paratang na pinapanigan nito si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co sa gitna ng panawagang kanselahin ang kanyang pasaporte.

Ayon kay DFA Spokesperson Angelica Escalona, ang pagkansela ng pasaporte ay nakabatay sa umiiral na batas at hindi maaaring diktahan ng pulitika. Tanging mga kasong may basehan gaya ng pandaraya, pagkakamali sa pag-isyu, o kautusan ng korte ang maaring dahilan ng kanselasyon.

Ito ay tugon sa pahayag ni Rep. Toby Tiangco na kinuwestiyon ang umano’y pag-aatubili ng DFA sa agarang pagkansela ng pasaporte ni Co, na nahaharap sa alegasyon ng pagtanggap ng kickback mula sa mga proyektong flood control.

Hinimok ng DFA ang mga opisyal na may ebidensya laban kay Co na dumaan sa tamang legal na proseso. Samantala, lumipad patungong Estados Unidos si Co para sa gamutan, at pinawalang-bisa na ng Kamara ang kanyang travel clearance.