KALIBO, Aklan — Pinilahan ng mga tao ang isang lumang warehouse sa D. Maagma St. Cor. Rizal St. Kalibo na ginawang horror house ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Carla Suñer Doromal, executive assistant to the mayor ng LGU-Kalibo, matagumpay ang muling pagbubukas ngayong taon ng horror house na replika ng haunted house sa Las Piñas.
Aniya, umabot sa 700 ang bilang ng nabiling ticket na nagkakahalaga ng P50.
Taon-taon umano nilang ginagawa ang gimik na ito, at mistula ring blockbuster na pelikula dahil sa haba ng pila ng mga gustong sumubok.
Samantala, nilinaw nito na walang ginamit na government fund sa pagbubukas ng horror house, kung saan ang lahat ng gastos nito kasama ang bayad sa private organizer ay sinagot ni Kalibo Mayor Juris Sucro.
Sa muling pagbubukas nito, mas ni-level-up pa ang dating nakakatakot na mga costume ng mga actors, mas spooky at pinaghandaan ang sound effects.
Ayon sa ilang sumubok sa horror house, makatindig-balahibo ang pagpasok pa lamang sa loob gayundin ang pagsalubong ng iba’t ibang karakter ng dilim na nagtagumpay sa kanilang misyon na maghasik ng takot.
Makikitang ang bawat grupong pumapasok ay nakakapit sa isa’t isa.
Bukas ang horror house hanggang Nobyembre 2 mula alas-7:00 ng gabi hanggang alas-12 ng hating gabi.
Maliban sa mga horror enthusiasts, sumubok rin ang ilang opisyal sa pormal na pagbubukas nito, gabi ng Lunes, Oktubre 20.
Ilan sa mga pakataran, bawal hawakan ang mga actors at bawal ang mga may karamdaman lalo na ang may sakit sa puso.