-- ADVERTISEMENT --

Ilang araw bago ipagdiwang ang Undas, magpapatupad ng malakihang dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas ng umaga ng Martes, Oktubre 28, 2025.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz, Caltex (CPI) at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng malakihang dagdag presyo na P1.20 sa kada litro ng gasoline, P2.00 sa kada litro ng diesel at P1.70 sa kada litro ng kerosene na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.

May big time oil price hike din sa kada litro ng mga nabanggit na produktong petrolyo sa kahalintulad na presyo ang kompanyang CleanFuel na magiging epektibo bukas ng alas-4:01 ng hapon. Ang ipatutupad na big time oil price hike sa mga nasabing produktong petrolyo ay bunsod sa mga posibilidad ng mga “sanctions” o parusa ng US sa mga kompanya ng langis sa Russia kaugnay ng digmaan sa Ukraine at ang pagbaba ng pamumuhunan sa krudo ng US dahil sa mas malakas na demand sa refinery.