Muling kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ilegal na aktibidad ng China sa West Philippine Sea sa ginanap na ASEAN Summit. Ibinahagi ng Pangulo sa mga lider ng rehiyon at ng Estados Unidos ang patuloy na pangha-harass at agresibong aksyon ng Chinese Coast Guard at maritime militia laban sa mga Pilipino sa West Philippine Sea.
Tinukoy ng Pangulo na nilalabag ng mga ito ang internasyonal na batas, kabilang ang UNCLOS at ang 2016 Arbitral Award na pumabor sa Pilipinas. Kabilang din sa mga tinuligsa ni Marcos ang deklarasyon ng China na gawing “nature reserve” ang Bajo de Masinloc, na itinuturing na paglabag sa soberanya ng bansa.
Sa kabila ng mga insidente, tiniyak ng Pangulo na mananatiling kalmado ngunit matatag ang Pilipinas sa pagsusulong ng epektibong Code of Conduct sa South China Sea na naaayon sa internasyonal na batas.













