ANTIQUE — Naitala ang pagguho ng lupa sa itinuturing na hazard-prone area sa national highway na sakop ng Barangay Paciencia, Tobias Fornier o mas kilala rin sa tawag na Tobias Fornier-Iloilo Road sa lalawigan ng Antique matapos ang halos walang tigil na pag-ulan dulot ng Bagyong Tino.
Ayon kay Broderick Train, head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO-Antique na dahil sa mabilis na pagtugon ng kaukulang ahensiya ng gobyerno, naging mabilis ang isinagawang clearing operation, kung saan, sa kasalukuyan ay balik na sa normal ang operasyon sa naturang kalsada.
Sa kabilang daku, ikinatuwa naman ng PDRRMO ang pagiging alerto ng mga residente lalo na sa mga lugar ng Anini-y at Tobias Fornier gayundin sa Laua-an at Barbaza na nakapasok sa track ng bagyo dahil sa pagsunod sa pre-emptive evacuation lalo na sa mga residenteng nakatira sa flood prone at high risk areas bago pa ang pagtama ng bagyo.
Nauna dito, isinailalim sa red alert ang emergency operation center ng PDRRMO-Antique bilang paghahanda sa bagyong Tino na nagdala ng malalakas na hangin at matinding pag-ulan matapos itong mag-landfall.
Sa kasalukuyan ay umakyat na sa mahigit sa 8,000 ang evacuees sa iba’t-ibang lugar sa kanilang probinsiya.
Wala rin umanong naging problema sa pamamahagi ng family food packs at iba pang relief services sa bawat evacuees.













