Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mabilis na pag-aresto kay dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co at 17 iba pa na umano’y sangkot sa iregularidad sa mga proyektong flood control. Nagsampa na ng kaso ang Ombudsman laban sa grupo, kabilang ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways at Sunwest Corp.
Batay sa ulat mula sa Independent Commission for Infrastructure at DPWH, lumabas ang ebidensyang nag-uugnay sa mga opisyal sa kontrobersyal na proyekto. Inilabas na rin ang listahan ng mga may warrant of arrest.
Ayon sa Palasyo, ipatutupad ng mga awtoridad ang mga warrant nang walang pagkaantala at walang ibibigay na espesyal na pagtrato. Tiniyak din ng administrasyon na tuloy-tuloy ang pag-usad ng kaso hanggang sa mapanagot ang mga responsable.
Nauna nang hiniling ng Ombudsman ang agarang raffle ng mga kaso upang mapabilis ang proseso at pagresolba sa umano’y anomalya sa flood control projects.













