Nasira ang signages at ilang bahay sa bayan ng Nabas matapos daanan ng isang buhawi, bandang alas-11:30 umaga ng Lunes, Nobyembre 25 kasabay sa pananalasa ng Bagyong Verbena.
Sa videong kuha ni Clarisse Jane Ascil Teodosio-Namardo, makikita ang mga natanggal na mga signages ng ilang establisimento, nilipad na yero ng mga bahay at naputol na sanga ng mga puno.
Kabilang sa apektado ng buhawi ang mga bahagi ng Brgys. Poblacion, Buenavista, at Alimbo Baybay.
Sinasabing isang bahay ang totally damaged sa pagtama ng buhawi.
Samantala, wala pang pagtaya at nagpapatuloy ang assessment ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa pinsalang dulot ng buhawi sa mga imprastraktura at kabahayan.
Nauna dito, iniulat rin ng Aklan Electric Cooperative (Akelco) na naapektuhan ang suplay ng kuryente sa naturang lugar matapos na maputol ang ilang linya ng kuryente.
Inaalam rin kung ilan ang lahat ng nadamay na bahay at kung may mga nasaktan sa insidente.
Ayon sa mga eksperto, normal ang buhawi tuwing may mga thunderstorms o bagyo.













