KALIBO, Aklan — KALIBO, Aklan — Kinansela ng St. Dominic School of Kalibo sa lalawigan ng Aklan ang klase matapos itong bulabugin ng isang bomb threat na natanggap sa pamamagitan ng messenger mula sa nagpakilalang suspek na si alyas “Abdul Louise”, bandang alas-9 ng umaga ng Huwebes, Disyembre 4, 2025.
Ayon kay P/Capt. Jover Ponghon, deputy chief of police ng Kalibo Municipal Police Station, nakatanggap umano ng mensahe mula sa Facebook messenger ang isang Grade 9 learner na nagpapahiwatig na may bomba umanong itinanim sa ground floor, gayundin sa ika-tatlo at ika-apat na palapag ng nasabing paaralan at kailangang mahanap agad dahil anumang oras ay sasabog ito.
Sa messenger ng isang Facebook account na may pangalang Abdul Louise, nagmula ang mensaheng: “Good morning SDSK, I have planted 4 timed bombs around the area of the school, 1 at the ground floor, 2 on the third floor and finally 1 at the fourth floor. The timer has yet to be set. But this is my payback due to the unfair treatment of the faculty and staff members. I was an old student here is anyone still remembers, but the treatment I’ve been receiving for the past years had me devastated. So goodluck finding the bombs before the timer ends!”
Nang mabasa ng estudyante ay agad niya itong ipinaalam sa kanyang guro at school principal na agad namang itinawag sa pulisya.
Agad rin na nagdeklara ng pagsuspinde ng klase at pinauwi ang lahat ng estudyante mula Kindergarten hanggang Grade 12.
Magkasama ang SWAT Team at Explosive and Ordinance Division ng Aklan Police Provincial Office bitbit ang kanilang mga K-9 sniffing dogs na nagsagawa ng clearing operation sa buong paaralan pati na rin sa labas nito.
Bandang alas-10:55 ng umaga o makalipas ang mahigit isang oras at kalahati ay idineklarang clear sa bomba ang buong paaralan.
Sa kabilang daku, inimbestigahan na ng pulisya kung konektado ang insidente sa nangyaring sunud-sunod na bomb threat sa Iloilo noong nakaraang mga linggo.
Nagbigay naman ng P20,000 na pabuya si Kalibo Mayor Juris Sucro sa kung sinumang makapagbibigay ng impormasyon kaugnay sa insidente.













