Patuloy na ginagamot sa iba’t ibang pagamutan sa Switzerland ang halos 120 katao na sugatan sa nangyaring sunog sa Crans-Montana Ski resort sa unang araw ng Bagong Taon sa nasabing bansa.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Marissa Jason Gabriel, tubong isla ng Boracay at kasalukuyang naninirahan sa Wadenswil, Switzerland na batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, na-suffocate ang mga biktima na nasa 44 katao ang nasawi at maaari pa aniyang madagdagan ang nasabing bilang dahil marami sa mga sugatan ang nasa malubhang kalagayan.
Bukod sa mga nasawi at sugatan, may naiulat rin na nawawala kabilang dito ang dalawang menor de edad.
Ang mga biktima aniya ay nagtamo ng third-degree burns na sumasaklaw sa 15% ng katawan ay nasa mataas na panganib ng impeksiyon sa dugo o septicaemia na posibleng mauwi sa pagkasawi sa mga susunod na oras o araw.
Sa kasalukuyan aniya ay wala pang naiulat na may mga Pinoy na nadamay sa nasabing trahedya.













