KALIBO, Aklan — Nakapagtala ang Malay-Boracay Municipal Tourism Office ng mahigit sa 56,000 na turista na bumuhos sa Isla ng Boracay nito lamang Christmas long break.
Ayon kay Catherine Fulgencio, head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Malay, halos punuan ang mga accommodation establishments lalo na noong Pasko at Bagong Taon.
Sa kabuuan, umabot aniya sa 180,745 ang turista simula noong Disyembre 15 hanggang 28, 2025.
Karamihan umano sa mga naitalang dayuhang turista ngayon sa isla ay mga taga-Europa upang takasan ang malamig na klima sa kanilang bansa.
Aniya, mahalaga sa pagbangon ng ekonomiya ang muling pagsigla ng turismo sa Boracay.
Sa kabilang daku, magpapatupad ng mahigpit na mga hakbang ang pulisya para sa seguridad sa Boracay at sa mainland Malay upang matiyak ang kaligtasan ng mga turista para sa nakatakdang sariling bersyon ng Ati-Atihan de Boracay sa susunod na linggo.
Kasama sa security plan ang foot at mobile patrols, pagtatayo ng police assistance desks, at dagdag na deployment ng mga tauhan sa Boracay.
Daan-daang katao sa resort island ang dumadagsa para sa pagdiriwang ng Ati-Atihan de Boracay bilang parangal sa Batang Hesus.
Tulad ng mga nagdiriwang sa Kalibo, Aklan, nagsuot ang mga participants ng mga makukulay na kasuotang tribo na katulad ng mga katutubong Ati.
Nagsasagawa ng sadsad panaad o merry making sa front beach tangan ang mga imahe ng Santo Niño.
Kabilang sa mga nakikiisa sa kasiyahan ang mga tunay na Ati Indigenous Peoples na may maliit na komunidad sa Boracay.












