MALAY, Aklan — Wala nang buhay at isiniksik sa isang itim na container nang matagpuan ang nawawalang chef na nagtatrabaho sa isang malaking hotel sa Isla ng Boracay.
Natagpuan ito ng mga awtoridad na nasa state of decomposition na sa isang masukal na lugar sa Sitio Pinaungon, Brgy. Balabag, Malay, 50 metros lamang ang layo mula sa kanilang staff house.
Ayon kay P/Capt. Joey Castillon, chief investigator ng Malay Municipal Police Station noon pang Disyembre 23, 2025 napaulat na missing person si Paul Malandac, halos 15 anyos nang nagtatraho sa isla, ngunit naireport ng kanyang pamilya sa kapulisan ang kanyang pagkawala noon lamang Enero 2, 2026.
Kasunod nito, may nagbigay naman ng impormasyon sa pulisya na may nakitang bangkay sa sapa na tapunan ng basura matapos na maka-amoy ng masangsang ang mga residente malapit sa lugar.
Nang makita ang naturang bangkay, kinumpirma ng pamilya ni Malandac na residente ng Buruanga, Aklan na siya nga ang nawawalang chef sa pamamagitan ng kanyang suot na shorts.
Samantala, kinumpirma ni P/Capt. Castillon na may person of interest na sila sa krimen na katrabaho mismo ng biktima.
Isasailalim sa autopsy ang bangkay upang malaman ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang naturang insidente.













